Nang makita kitang lumalapit naglakad ako palayo
at nagpigil na iusal ang iyong pangalan.
Noon ko lang nalaman, na pagkatapos ng lahat ng ito,
ay wala pa ring nagbabago: ako, na umiiwas
sa pag-imik. Nagtuloy ako sa pagpapanggap
upang hindi muna ito magwakas.
Mula ng ako’y nilimot, madalas ko nang
balikan itong hinagap: ang pagkimkim
sa katotohanan ay hindi lubag sa bagabag.
Kahit sa iyong paglalaho, sa loob ko
ika’y nahubog. Hindi kailanman mawawala
ang mga hindi nabigkas: kamay sa dibdib mo,
mga pulseras, estatikong tabing, landas
na lumatag sa natutuyong ilog, mga tahanang natupok
sa gitna ng bagyo, ang paborito mong libro.
At ako, balang araw, nagsasauli sa iyo.
Tulang “Mute Ode” sa salin ni Ralph Fonte